Saturday, April 12, 2014

9 mga bagay-bagay tungkol sa bayan



9

MGA BAGAY-BAGAY TUNGKOL SA BAYAN




Hindi nagkamali si Ibarra tungkol sa pasahero ng victoria. Si P. Damaso nga iyon at patungo sa mismong bahay na kaiiwan lamang niya.




“Saan kayo pa-viaje?” tanong ng prayle kay Maria Clara at Tia Isabel, na pasakay noon sa isang karuwaheng kulay-pilak. Sa gitna ng pagkaabala, marahang hinaplos ni P. Damaso ang pisngi ng dalaga.




“Sa kumbento para kunin ang gamit ko,” sagot ng dalaga.




“Ahaaaa! Aha! Titingnan natin kung sino ang mas malakas,” bulong ng prayleng tila may ibang iniisip, at iniwan niya ang dalawang babaeng nagtataka. Nakayuko at mabagal siyang tumungo sa hagdanan at umakyat.




“Mukhang may sermong minememorya si Padre,” puna ni Tia Isabel. “Pasok na, Maria, at baka mahuli tayo.”




Kung naghahanda man sa sermon si P. Damaso ay hindi natin masasabi. Ngunit tiyak na may mabigat siyang iniisip dahil hindi man lang niya iniabot ang kaniyang kamay kay Cpn. Tiago, na halos lumuhod na para halikan ito.




“Santiago!” agad na sabi ng prayle. “May importante tayong dapat pag-usapan. Doon tayo sa iyong oficina.”




Nagsimulang mailang si Cpn. Tiago at hindi alam ang sasabihin. Ngunit sinundan niya sa kuwarto ang malaking pari, na nagsara naman ng pinto.




Habang sikreto silang nag-uusap, tingnan naman natin ang ginagawa ni P. Sybila.




Wala sa kumbento ng kaniyang parokya ang matalinong Dominiko. Maagang-maaga, pagkabigkas ng Misa, pumunta siya sa kumbento ng kaniyang orden sa bungad ng Puerta de Isabel II, o de Magallanes, depende kung anong pamilya ang kasalukuyang naghahari sa Madrid. Hindi niya pinansin ang masarap na amoy ng tskolate, ni ang ingay ng mga kahon at baryang galing sa koleksyon, at di halos pinansin ang magalang na pagbati ng ingat-yaman. Pumasok siya, dumaan sa ilang pasilyo, at kumatok sa isang pinto.




“Adelante! Pasok!” sabi ng isang boses.




“Pagalingin nawa kayo ng Dios, Reverencia!” bati ng Dominiko habang pumapasok.




Nakaupo sa malaking silya ang isang matandang pari, mukhang gastado at medyo naninilaw, katulad ng mga santong ipininta ni Rivera. Salubóng lagi ang kaniyang kilay, kaya lalong numiningning ang mga mata niyang lubog at naghihingalo.




Pinagmasdan siya ni P. Sybilang puno ng damdamin, habang nakaekis ang kaniyang mga braso sa ilalim ng banal na eskapularyo ni Sto. Domingo. Tahimik siyang yumuko at naghintay.




“Ah!” buntonghininga ng matanda. “Kailangan daw ng operacion! Operasyon daw, Hernando, sa edad kong ito! Ang bansa, ang terribleng bansang ito! Matuto ka sa nangyari sa akin, Hernando.”




Mabagal na itinaas ni P. Sybila ang kaniyang mga mata sa mukha ng maysakit:




“At ano ang decisión ng Inyong Reberensiya?” tanong niya.




“Mamatay! Ay! May iba pa bang opción? Grabe ang paghihirap ko..pero marami rin akong pinahirapan...nagbabayad lang ako ng utang! At ikaw, kumusta? Bakit ka naparito?”




“Narito po ako para pag-usapan ang ibinilin ninyo sa akin.”




“Ah! At ano tungkol dito?”




“Psh!” naiinis na sagot ng mas bata, habang umuupo at ibinabaling sa iba ang mukhang may pandidiri. “Puros gawa-gawa ang mga cuento sa atin! Isang batang may karunungan si Ibarra. Mukhang hindi tanga. Sa tingin ko nga’y isang mabuting tao.”




“Sa tingin mo?”




“Nagsimula kagabi ang away!”




“Agad? Paano?”




Ikinuwento ni P. Sybila ang buod ng nangyari sa pagitan nina P. Damaso at Crisostomo Ibarra.




“At,” pangwakas ng mas bata, “pakakasalan ng binata ang anak na dalaga ni Cpn. Tiago na nag-aral sa colegio ng ating mga kapatid na madre. Mayaman si Tiago at hindi gugustuhing makipag-away—baka mawala pa ang kaniyang kayamanan at kaligayahan.”




Tumango ng pagsang-ayon ang maysakit. “Pareho tayo ng iniisip. Kapag nagkaasawa siya at nagkabiyenan na ganoon, magiging atin ang buo niyang katawan at kaluluwa. Kung hindi, mas mabuting aminin na niyang kalaban natin siya.”




Gulát na pinagmasdan ni P. Sybila ang matanda.




“Para sa kapakanan ng ating Banal na Orden, siempre,” dagdag niyang mabigat ang paghinga. “Mas gusto ko pa ang ganoong pag-ataque kaysa mga estupidong papuri ng mga kaibigan, na sa totoo’y binabayaran.”




“Sa tingin po ninyo, Reverencia?”




Malungkot siyang pinagmasdan ng matanda.




“Tandaan mo itong mabuti!” sagot niyang hiráp ang paghinga. “Nananatili ang ating kapangyarihan habang ito’y pinaniniwalaan. Kapag kinalaban nila tayo, sasabihin ng gobierno: ‘Kinakalaban sila dahil nakikita sila bilang hadlang sa kalayaan. Pues, panatilihin natin sila.’”




“At kung pakinggan sila? Paminsan-minsan ang gobierno’y...”




“Hindi sila pakikinggan!”




“Pero, kung, dahil sa pagkagahaman, gustuhin ng gobierno ang nakukuha natin—kung magkaroon ng isang matapang...”




“E di kawawa siya!”




Kapwa silang tumahimik.




“Entonces,” patuloy ng maysakit, “kailangan nating kalabanin tayo, gisingin. Dito, madi-descubre natin ang ating mga kahinaan at lalo tayong lalakas. Nalo-loco tayo sa mga papuri, binibigyan tayo ng seguridad, samantalang pinagtatawanan tayo doon sa labas. At sa araw na mapagtawanan, babagsak tayo tulad ng bumagsak tayo sa Europa. Hindi na papasok ang pera sa ating mga simbahan. Wala nang bibili ng ating mga eskapularyo, mga sinturon, at kung-anu-ano. At kapag hindi na tayo mayaman, wala na rin tayong hawak sa kanilang mga conciencia.”




“Pero mayroon pa rin tayong mga hacienda at mga lupain.”




“Mawawalang lahat tulad ng nawala lahat sa Europa! Ang masama pa ay tayo ang nagpapabagsak sa ating mga sarili. Por ejemplo: ang pagtataas ng buwis sa lupa taun-taon—nilabanan ko ito sa ating mga capitulo ngunit wala ring nangyari—ito ang magpapahamak sa atin! Mapipilitan ang indiong bumili ng lupa sa iba, na kasingbuti o mas mabuti pa kaysa sa lupa atin. Nararamdaman kong pabagsak na tayo: Quos vult perdere Jupiter dementat prius. “Ang nais sirain ng mga dios, sinisiraan muna nila ng bait.” Dahil dito, huwag na nating dagdagan ang ating bigat; nagbubulungan na ang bayan. Tama ang iniisip mo. Hayaan natin ang ibang magbayad ng kanilang utang. Alagaan natin kung ano mang paggalang na ibinibigay pa sa atin. At dahil malapit na tayong humarap sa Diyos, siguruhin nating malinis ang ating mga kamay. Kaawaan nawa tayo ng Dios!”




“Ibig sabihin, naniniwala po kayong ang mga buwis...”




“Tama na ang tungkol sa pera,” putol ng matanda. “Sinabi mo kaninang nangako ang Teniente kay P. Damaso...”




“Opo, Padre,” sagot ni P. Sybilang medyo nakangiti. “Ngunit nakita ko siya kanina. Sinabi niyang nagsisisi siya sa nangyari noong isang gabi, na nadala lang siya ng alak, at na ganoon din ang kalagayan ni P. Damaso. ‘At ang pangako?’ nagbibirong tanong ko sa kaniya. ‘Padre Cura,’ sagot niya. ‘Marunong akong tumupad sa pangako kapag hindi nito madudungisan ang aking dangal. Hindi ko gawain ang magsumbong; kaya nga dalawa lang ang aking bituwin.’”




Nag-usap pa sila nang kaunti bago umalis si P. Sybila.




Hindi nga pumunta ang Teniente sa Malacañang. Ngunit nalaman pa rin ng Capitan General ang nangyari.




Nakipag-usap siya sa kaniyang mga tauhan tungkol sa sinasabi ng mga diyaryo sa Maynila tungkol sa kaniya. May isang tauhang nagkuwento sa kaniya tungkol sa nangyari kay P. Damaso—isang bersyong kinulayan nang husto pero lumabas pa ring mas totoo.




“Kanino mo narinig iyan?” tanong ng Kaniyang Kataas-taasang nakangiti.




“Kay Laruja, kaning umaga sa oficina ng diario.”




Ngumiting muli ang Capitan General at nagsabing: “Hindi makasasama ang mga babae at fraile. Gusto kong mamuhay nang payapa sa panahong ibinigay sa akin sa bansang ito, at ayaw kong makialam sa usapin ng mga lalaking nagsasaya. Isa pa, alam kong niloko ako ng padre provincial. Iniutos kong ilipat ang paring iyon bilang parusa, at inilipat siya sa mas mainam na bayan. 'Gawaing-fraile' tulad ng sinasabi natin sa España.”




Ngunit nang mag-isa na siya, hindi na nakangiti ang Kaniyang Kataas-taasan.




“Ay! Kundi lang estupido ang bansang ito, iipitin nila ang mga reverenciang iyan,” buntunghininga niya sa sarili. “Ngunit nakukuha ng bansa ang kapalarang karapat-dapat sa kaniya. Kaya gawin na lang natin ang ginagawa ng lahat.”




Samantala, tapos nang makipag-usap si Cpn. Tiago kay P. Damaso, o baka mas tamang sabihing, tapos na si P. Damasong kausapin siya.




“Ngayon alam mo na,” sabi ng Pransiskano habang papaalis. “Naiwasan sanang lahat ito kung kinonsulta mo ako, o kung di ka nagsinungaling nang tanungin kita. Iwasan mo nang gumawa ng katangahan! At magtiwala ka sa kaniyang ninong!”




Dalawa o 3 beses inikot ni Cpn. Tiago ang sala nang pabuntu-buntunghininga at nag-iisip. Biglang para siyang nagkaroon ng magandang ideya—tumakbo siya sa oratoryo at pinatay ang kandila at lamparang sinindihan niya para sa kaligtasan ni Ibarra.




Bulong niya: “May oras pa. Mahaba ang biyahe.”



No comments:

Post a Comment