8
MGA ALAALA
Dumaan ang karuwahe ni Ibarra sa pinakabuhay na bahagi ng Maynila. Ito ang mismong bahaging nagpalungkot sa kaniya kagabi, ngunit ngayong maliwanag na’y nagpangiti naman sa kaniya.
Napakalikot ng lahat. Napakaraming karuwahe1, karomata2, at kalesa3. May mga Europeo, Tsino, at katutubong may kani-kaniyang paraan ng pananamit. May mga tindero ng prutas, mga nagpapalit ng pera, mga nakahubad na kargador. May mga tindahan, paupahan, kainan, at mga karitong hila-hila ng kalabaw na walang-pakialam. Tila inaaliw nito ang sarili sa pagbubuhat habang pinag-iisipan ang lahat ng ingay at gulo, ang araw, ang iba-ibang amoy at sangkatutak na kulay. Ginising ng mga ito sa isip ng binata ang isang mundo ng natutulog na alaala.
Lupa pa at hindi bato ang mga kalsadang iyon. Dalawang araw lang mabilad sa araw ay nagiging alikabok— pinauubo at halos bulagin ang mga nagdaraan. Kapag umulan nama’y naiipon sa mga lubak ang putik—na sumasalamin sa mga ilaw ng karuwahe at tumatalsik sa mga naglalakad sa makikitid na bangketa. Ilang babae na kaya ang hindi nakapag-iwan sa mga lubak na iyon ng kanilang mga bordadong tsinelas?
Noon, makikitang nag-aayos ng kalye ang mga presong nakapila—ahít ang ulo, nakasuot ng kamisang maikli ang manggas at pantalong hanggang tuhod lang. Nakatatak sa bawat isa ang kaniyang titik at numerong kulay asul. May mga kadena sila sa binti, nakabalot ng trapo para hindi nila masyadong maramdaman ang gaspang o lamig ng bakal. Nakatali silang pares-pares: sinusunog ng araw, pagód sa pagtatrabaho, at pinakikilos ng latigong hawak ng isa sa kanila—na masaya dahil siya naman ang nang-aabuso sa ngayon. Matatangkad sila at di ngumingiti. Ngunit kumikislap ang kanilang mga mata pagtama ng sumisipol na latigo sa kanilang balikat, o kapag binabatuhan sila ng mga nagdaraan ng upos ng tabako na agad namang pinupulot ng pinakamalapit at itinatago sa kaniyang salakot.
Parang naririnig pa ni Ibarra ang ingay ng mga batong dinudurog para tabunan ang mga lubak at ang kalansing ng kadenang mabigat sa namamaga nilang mga bukong-bukong. Kinilabutan siya nang maalala ang isang eksenang tumatak sa kaniyang batang imahinasyon. Panahon iyon ng siesta at matindi ang sinag ng araw sa isang malaking kariton. Nakaratay sa tabi nito nakaratay ang isa sa mga kapuspalad—walang buhay, ngunit bukas nang kaunti ang mata. Dalawa pa sa kanila ang naghahanda ng kawayang pambuhat sa bangkay, walang galit, lungkot, o kawalan ng pasensya—tulad ng katangian daw ng mga katutubo. “Ngayong araw ikaw, bukas kami naman,” sabi nila sa isa’t isa. Dinaraanan lang sila ng mga tao. May mga babaeng naiintriga at tumitingin, ngunit aalis din agad nang di-nababahala. Lagi namang may ganoon kaya nagkakalyo na ang kanilang mga puso. Dumaan ang mga karuwahe, sinasalamin sa kanilang barnisadong tagiliran ang sinag ng araw sa kalangitang walang ulap. Siya lamang ang nayanig—isang batang 11 taong gulang, kagagaling lang sa probinsiya. Siya lamang ang binangungot noong gabing iyon.
Wala na ang pinupuring Puente de Barcas4, iyong mabait na Filipinong tulay—ginawa ang lahat ng makakaya pang makapaglingkod sa kabila ng katutubong pagkukulang. Tumataas at bumababa ito ayon sa kagustuhan ng Ilog Pasig, na ilang ulit nang nang-abuso at sa wakas ay sumira rito.
Hindi pa rin lumalago ang mga talisay sa plaza ng San Gabriel; pandak pa rin ang mga ito.
Hindi na ganoon kaganda ang Escolta kahit napalitan na ang mga tindahan ng isang malaking gusaling may mga haliging-nililok-na-babae. Napansin niya ang bagong Puente de España. Nakita niya ang mga bahay sa kanang pampang ng ilog—naalala niyang dinaraanan niya ito nang nakabangka sa malalamig na umaga patungo sa mga paliguan ng Uli-uli.
Marami siyang nakasalubong na karuwaheng hinihila ng magagandang pares ng maliliit na kabayo. Sakay ng mga ito ang mga empleyadong inaantok pa habang patungo sa kanilang mga opisina, mga militar, mga Tsinong kakaiba ang postura, mga seryosong pari, atbp. Parang nakita niya sa isang eleganteng victoria5 si P. Damasong nakakunot ang noo, ngunit nakadaan na. Malugod siyang binati ni Cpn. Tinong na dumaraang nakakaritela kasama ang kaniyang asawa’t dalawang anak.
Pagkababa nila ng tulay, bumilis ang takbo ng mga kabayo patungong Sabána. Sa kaliwa, ang pabrika ng tabako ng Arroceros. Dinig hanggang sa labas ang pagpukpok sa tabako ng mga nagtatrabaho rito. Naalala niyang nakangiti kung paanong kumakalat ang amoy nito sa Puente de Barcas tuwing 5:00 n.h. at nagkakasakit tuloy siya. Dinala siya ng mga kuwentuha’t tawanan doon sa distrito ng Lavapiés sa Madrid kung saan nag-aklas ang mga babaeng gumagawa ng sigarilyo, na ikinamatay ng mga kawawang pulis.
Binura ng Jardin Botanico6 ang masasayang alaalang iyon. Ang demonyo ng pagkukumpara—ibinalik nito sa isip niya ang mga hardin ng Europa, sa mga bansang malaking mahirap at magastos magpatubo ng kahit isang dahon at magpabukas ng kahit isang bulaklak. Naalala niya ang sa mga kolonya, kung saan alagang-alaga ang mga ito, at bukas para sa lahat.
Iniwasan itong tingnan ni Ibarra at nakita naman niya ang lumang Maynilang napaliligiran ng pader at hukay, tulad ng batang babaeng sakitin na ibinalot sa magagarang damit ng kaniyang lola.
At ang dagat.
“Nasa kabilang pampang ang Europa,” naisip ng binata. “Ang Europang may mga bansang laging kumikilos, naghahanap ng kaligayahan, nananaginip sa umaga at binubuwag ang mga ilusyon sa paglubog ng araw..masaya sa gitna ng kanilang kabiguan! Oo, sa kabilang ibayo’y mayroon talagang mga bansang espiritwal—silang mga hindi pumipigil sa materyal na pag-unlad ngunit mas espiritwal pa sa mga bansang nagmamalaki na espiritu lang ang sinasamba nila!”
Ngunit nabura ang mga iniisip niyang ito nang makita niya ang munting buról sa Bagumbayan. Ang nag-iisang bukol na iyon, sa tabi ng paseo ng Luneta ang umagaw sa kaniyang atensyon at nagpaisip sa kaniya.
Naalala niya ang lalaking gumising sa kaniyang talino at nagturo sa kaniya kung ano ang kabutihan at katarungan. Kaunti lamang ang ideyang iniwan sa kaniya ng lalaking iyon, oo, ngunit hindi mga walang-kuwentang pag-uulit lamang—mga paninindigang hindi pinadilim ng pinakamakinang na liwanag ng Progreso. Naririnig pa niya hanggang ngayon ang pamamaalam ng lalaking iyon, isang matandang pari:
“Huwag mo itong kalilimutan—kung kaalaman ang pamana ng sangkatauhan, nakakamit lamang ito ng mga may puso,” paalala nito sa kaniya. “Sinikap kong ipasa sa iyo ang tinanggap ko sa aking mga maestro. Ginawa ko ang lahat para dagdagan ito at ipasa sa susunod na henerasyon. Ikaw naman ang magbibigay nito sa mga papalit sa iyo, at maaari mong triplehin dahil pupunta ka sa mayayamang bansa.” At idinagdag niyang may ngiti: “Pumupunta sila rito para magpayaman. Pumunta ka naman sa kanilang bansa para sa kayamanang wala rito sa atin! Pero tandaan mong hindi lahat ng kumikinang ay ginto.” Ang matandang iyo’y namatay doon.
Sa mga alaalang ito’y sumagot ang binata nang pabulong:
“Hindi, sa gitna ng lahat, una pa rin ang bayan, una ang Filipinas, anak ng España, una ang lupaing Kastila! Hindi nadudungisan ang bayan ng mga nangyari dahil itinadhana. Hindi!”
Hindi niya napansin ang Ermita, ang ang Malate, ni ang kuwartel. Hindi niya pinansin ang mga bahay kubo--medyo korteng piramide o prisma, nakatago sa likod ng mga saging at bonga, ginawang parang mga pugad ng ama ng bawat pamilya.
Nagpatuloy ang karuwahe, kasalubong minsan ang mga karomatang hinihila ng 1 o 2 kabayo at halatang galing probinsiya dahil sa mga arnes nitong abaka. Sinisilip ng mga kutsero kung sino ang nakasakay sa magagarang karuwahe, ngunit hindi nila binabati ni sinasaluduhan. Paminsan-minsan mayroong mabibigat na karitong hila ng kalabaw na mabagal at walang-pakialam. Umaawit nang malungkot at paulit-ulit ang mga nakasakay rito, kasabay ng pag-ikit ng gulong na kulang sa grasa, o ng paggasgas ng paa ng paragos7.
Sa mga damuha’y nanginginain ang mga hayop, kasama ang mga tagak sa likuran ng mga bakang ngumunguya nang kontento at parang tinatamad. Naghahabulan naman ang mga kabayo sa kalayuan.
Iwan natin ang binatang bumibiyahe nang nananaginip o tulog. Hindi na niya napansin ang masasaya at malulungkot na tula ng probinsiya. Walang kagandahan sa kaniya ang sikat ng araw na nagpapakinang sa tuktok ng mga puno, na nagpapabilis sa lakad ng mga magsasaka kahit makalyo na ang kanilang mga paa, at na nagpapahinto sa tagabaryo sa lilim ng kawayan o ng talisay habang pinag-iisipan ang mga bagay na malabo at di-maipaliwanag.
Samantalang gumegewang na parang lasing ang karuwahe ng binata dahil sa di-pagkakapantay ng dinaraanang kalye o tulay na kawayan, bumalik tayo sa Maynila.
1karuwahe=Sp. carruaje, carriage (Panganiban 1970); a large vehicle with four wheels that is pulled by a horse and that carries people (http://www.merriam-webster.com/dictionary/carriage)
2karomata=In the Philippines, a light 2-wheeled boxlike passenger vehicle usu. drawn by a single native pony (http://www.merriam-webster.com/dictionary/carromata)
3kalesa=a small 2-wheeled calash used in the Philippines (http://www.merriam-webster.com/dictionary/calesa); karitela (Panganiban 1970)
4Puente de Barcas=Tulay ng mga Barko
5victoria=a low four-wheeled pleasure carriage for two with a folding top and a raised seat in front for the driver (http://www.merriam-webster.com/dictionary/victoria)
6Jardin Botanico=Botanical Gardens
7 paragos=land sled usually carabao-pulled (Panganiban 1970)
No comments:
Post a Comment