Monday, March 31, 2014

7 ligaya sa azotea



7
LIGAYA SA AZOTEA

הַשִּׁירִים רישִׁ[1]
Awit ng mga Awit.

Noong umagang iyon, maagang nagsimba sina Tia Isabel at Ma. Clara. Elegante ang suot ng huli at may azul na rosaryo bilang pulseras. Ang matanda nama'y nakasalamin para mabasa ang kaniyang "Ancora de Salvacion" habang nagmimisa. Halos di pa nakaaalis sa altar ang pari ay nagyayaya nang umuwi ang dalaga. Nagulat at di natuwa ang butihing tiya, na nag-aakalang mabait at madasalin ang pamangkin niya tulad ng mga madre. Tumayo ang matandang babae nang nagkukurus at bumubulong-bulong. "Patatawarin po ako ng Diyos, Tia Isabel, dahil mukhang mas kilala niya ang puso ng mga dalaga kaysa sa inyo," maaari sanang sabihin ni Ma. Clara upang mahinto ang matindi ngunit mapagmahal na galit ng tiya.

Pagkatapos mag-almusal, nilimot ni Ma. Clara ang kaniyang pananabik sa pamamagitan ng paggawa ng pitakang seda. Pinupunasan naman ng tiya ang mga bakas ng kasiyahan kagabi. May inaasikaso namang mga papeles si Capitan Tiago.

Bawat tunog sa kalsada, bawat karuwaheng dumaan ay nagpanginig sa kaniya at nagpabilis sa tibok ng kaniyang puso. Naisip niyang sana'y nasa kumbento pa siya kasama ng kaniyang mga kaibigan—doon puwede siyang makipagkita sa binata nang walang emosyon at kaguluhan ng loob! Ngunit hindi ba sila magkasama mula pa nang sila'y mga sanggol? Hindi ba sila magkalaro at minsan pa nga'y magkaaway? Hindi ko na kailangang sabihin ang dahilan para sa lahat ng ito. Kung kayong nagbabasa sa akin ay nagmahal na, maiintindihan ninyo, at kung hindi, walang kuwenta ang mga paliwanag. Hindi mauunawaan ng karaniwang tao ang mga misteryong ito.

“Sa tingin ko, Maria, may punto ang doktor,” sabi ni Cpn. Tiago. “Dapat kang pumunta sa probinsya, napakaputla mo, kailangan mo ng mabuting hangin. Ano ang tingin mo sa Malabon...o San Diego?”

Sa pagbanggit ng huling lugar, namulang tulad ng amapola si Maria Clara at hindi makasagot.

“Ngayon din ay maaari kayong pumunta ni Isabel sa kumbento upang kunin ang iyong mga damit at magpaalam sa iyong mga kaibigan,” patuloy niya nang di nagtataas ng ulo. “Hindi ka na mananatili roon.”

Nadama ng dalaga ang malabong kalungkutang sumasaklot sa kaluluwa sa tuwing permanenteng iiwan ang isang lugar kung saan ito naging masaya. Ngunit may isa pang kaisipang nagpatamis sa pait na ito.

“Sa loob ng 4 o 5 araw, pagkatapos mong magpagawa ng mga bagong damit, pupunta tayong Malabon. Wala na ang ninong mo sa San Diego. Ang batang paring baka napansin mo kagabi ang bagong kura roon, at isa siyang santo.”

“Pinakamabuti ang San Diego, pinsan!” puna ni Tia Isabel. “Isa pa’y mas maganda ang bahay natin doon at malapit na ang fiesta.”

Gustong yakapin ni Maria Clara ang tiya para sa huli nitong sinabi, ngunit narinig niyang huminto ang isang karuwahe at muli siyang namutla.

“Ah, totoo ‘yan,” sagot ni Cpn. Tiago, at sa ibang tono’y idinagdag: “Don Crisostomo!”

Hinayaan ng dalagang mahulog sa kaniyang mga kamay ang itinatahi. Gusto niyang gumalaw pero di niya magawa. Nanginig ang buo niyang katawan. May mga yabag na narinig sa hagdanan, at isang boses na malinaw at lalaking-lalaki. Para bang may mahika ang boses na iyon—napigil ng dalaga ang kaniyang emosyon at tumakbo siya sa oratoryo upang magtago sa piling ng mga santo. Natawa ang magpinsan at narinig pa ni Ibarrang sumara ang pinto.

Namumutla at di makahinga, inipit ng dalaga ang puso niyang kumakabog sa dibdib at sinubok na makinig. Narinig niya ang boses ng binata, ang mahal na boses na sa napakatagal na panahon ay naririnig lamang niya sa panaginip—hinahanap siya! Sa sobrang kasiyahan, hinalikan niya ang pinakamalapit na santo, na nagkataong si San Antoniong pinuno ng mga monghe—isang santong masaya sa pagiging tao at pagiging kahoy, laging biktima ng masasarap na tukso! Hinanap naman niya pagkatapos ang susian ng pinto upang masilip ang binata. Nang hilahin siya ng tiya mula sa nakangiti niyang pagmamasid ay pinaulanan niya ito ng halik.

“Estupidong bata, ano’ng nangyayari sa’yo?” nasabi sa wakas ng matanda habang pinupunasan ang patak ng luhang nagmula sa malalabo niyang mata. Nahiya si Maria Clara at tinakpan ang kaniyang mga mata ng maganda niyang braso.

“Halina, maghanda ka, halina,” malambing na dagdag ng matandang tiya. “Habang kinakausap niya ang ama mo tungkol sa’yo. Halina, huwag mo siyang paghintayin.” Tulad ng isang bata, sinunod siya ng dalaga at nagkulong sila sa kaniyang kuwarto.

Ano ang sinabi ng dalawang kaluluwang iyong nag-uusap sa wika ng mga mata—mas perpekto kaysa sa lumalabas sa labi—ang wikang ibinigay sa kaluluwa nang hindi mabulabog ng tunog ang ligaya ng kalooban? Sa mga sandaling ganoon, kapag ang iniisip ng dalawang taong masaya ay tumatagos sa kaluluwa sa pamamagitan ng mata, mabagal ang salita, hilaw, mahina—tulad ng magaspang at mabagal na kulog kung ikukumpara sa tulin at liwanag ng kidlat, nagpapahayag ng mga damdaming kilala na, mga ideyang nauunawaan na. At kung gumamit man ng salita, dahil lamang ito sa pagnanais ng pusong pangibabawan ang buong pagkatao, paapawin dito ang kasiyahan, at ipagamit dito ang lahat ng kakayahan ng katawan at isip upang ipahayag ang masayang tulang inaawit ng kaluluwa. Sa tanong ng pag-ibig na laman ng isang sulyap, kapag kumislap ito at muling magtago, walang maisasagot ang salita; tumutugon dito ang ngiti, ang halik, ang buntunghininga.

Umiwas ang magkasintahan sa alikabok ng pagwawalis ni Tiya Isabel at di nagtagal ay natagpuan nila ang sarili sa azotea, kung saan malaya nilang makakaniig ang isa’t isa sa gitna ng mga balag[2]. Ano ang ibinulong nila sa isa’t isa, mapupulang bulaklak ng cabello-de-angel, at itinatango ninyo ang inyong mga ulo? Sabihin ninyo, kayong mahalimuyak ang hininga at matingkad ang kulay ang labi. At ikaw, o zephyrus—diyos ng hanging kanluran, na natututo ng mga pambihirang armonya sa mga sikreto ng gabing madilim at sa mga misteryo ng aming mga birheng gubat. Sabihin ninyo, mga rayos ng araw, liwanag ng Eternal sa lupa, kaisa-isang di-materyal sa mundong materyal, kayo ang magsabi, dahil ang kaya kong sabihin ay prosang karaniwan lamang.

Pero dahil ayaw n’yo itong gawin, susubukin ko na rin.

Azul ang langit. May sariwang hanging di pa amoy-rosas na kumikiliti sa mga dahon at bulaklak ng mga baging—kaya nanginginig ang mga cabellos-de-angel—mga halamang nakasabit, mga pinatuyong isda, at mga lamparang mula sa Tsina. Malinaw nilang narinig ang tunog ng mga sagwan sa maputik na ilog, at ang pagdaan ng mga karuwahe at kariton sa may tulay ng Binondo. Ngunit di nila narinig ang ibinulong ng tiya:

“Mas mabuti, diyan mababantayan kayo ng buong kapitbahayan,” sabi nito.

Noong una’y wala silang binigkas kundi mga walang-kuwentang bagay, mga matatamis na wala-lang. Ngunit ang dalaga, tulad ng kapatid ni Cain, ay selosa kaya nagtanong ito sa kaniyang nobyo:

“Lagi mo ba akong naiisip? Di mo ba ako nalimutan sa marami mong biyahe? Sa maraming siyudad na maraming magagandang babae...!”

Ang binata naman, isa pang kapatid ni Cain, ay marunong umiwas sa mga tanong at medyo sinungaling, kaya:

“Maaari ba kitang malimot?” sagot niyang nagagayuma sa mga itim na mata ng dalaga. “Papalya ba ako sa pangako, sa banal na pangako? Naaalala mo ba noong isang mabagyong gabi, nakita mo akong lumuluhang mag-isa sa tabi ng ina kong yumao? Lumapit ka sa akin, ipinatong sa balikat ko ang kamay mo—ang kamay mong pagkatagal-tagal mong di pinahawakan sa akin—at sinabi mo: ‘Nawalan ka ng ina; ako’y di nagkaroon ng ina kailanman.’ At umiyak kang kasama ko. Minahal mo siya at minahal ka rin niyang tulad ng isang anak. Umuulan at kumikidlat sa labas, pero para akong nakarinig ng musika at nakakita ng ngiti sa maputlang mukha ng bangkay... O, kung buhay lamang ang mga magulang ko at makita ka nila! Kaya kinuha ko ang kamay mo at ng aking ina, at nangakong mamahalin ka at pasasayahin, anumang kapalaran ang ibigay sa akin ng langit. Ang pangakong ito, na di kailanman naging pabigat sa akin, ay sinasariwa ko ngayon.

“Maaari ba kitang malimot? Lagi kong kasama ang alaala mo, at lumigtas sa akin sa mga panganib ng paglalakbay, naging konsuwelo ko sa pag-iisa ng kaluluwa sa mga dayuhang bansa. Ang alaala mo ang kumokontra sa epekto ng loto[3] ng Europa, na bumubura sa alaala ng marami nating kababayan tungkol sa mga pangarap at paghihirap ng bansa! Sa mga panaginip, nakikita kitang nakatayo sa dalampasigan ng Maynila, nakatanaw sa malayo at nababalot ng malambing na liwanag ng bukang-liwayway. Narinig ko ang malungkot na kantang gumising sa natutulog kong damdamin at pinaalala sa aking puso ang mga unang taon ng aking kabataan—ang ating kasiyahan, ang ating paglalaro, at ang buong masayang nakaraang binigyang-buhay mo samantalang naroon ka sa bayan. Para sa akin noo’y ikaw ang diwata, ang espiritu, ang pagkakatawang-tao ng aking bansa, maganda, simple, palakaibigan, tapat, anak ng Pilipinas. Nagsasama sa Filipinas ang mga dakilang birtud ng Inang España at ang magagandang katangian ng isang batang bansa. Tulad ito ng pagsasama sa iyo ng lahat ng kagandahan ng dalawang lahing iyon. Kaya ang pag-ibig ko sa iyo at sa aking bansa ay naging iisa na lamang...

“Maaari ba kitang malimot? Maraming beses kong inakala na narinig ko ang iyong piano at ang iyong boses. Tuwing nasa Alemanya, habang namamasyal sa paglubog ng araw sa mga gubat na puno ng mahihiwagang kuwento, lagi kong tinatawag ang iyong pangalan. Parang nakikita kita sa hamog na umaakyat mula sa lambak, at parang naririnig ang iyong boses sa lagaslas ng dahon. Sa tuwing naririnig ko sa kalayuan ang awit ng mga magsasakang pauwi mula sa trabaho, parang sinasabayan nila ang mga boses sa aking kalooban at umaawit sila para sa iyo.

“May mga panahong nawawala ako sa mga daan sa bundok at habang dumarating ang gabi—na mabagal dumating doon. Nakakasingit ang liwanag ng buwan sa makapal na takip ng mga dahon, at tila nakikita kita sa pusod ng gubat bilang isang malabong mapagmahal na anino sa pagitan ng liwanag at dilim. At kung umawit nang matinis ang panggabing ibon, iniisip kong ito’y dahil nakita ka niya at binigyan mo siya ng inspirasyon.

“Kung naisip ba kita! Ang lagnat na mula sa pag-ibig ko sa’yo—di lamang nito binigyang-buhay ang hamog, kinulayan nito ang yelo! Sa maliwanag na langit ng Italya naalala ko ang iyong mga mata, sa mga lupain nito’y naalala ko ang iyong ngiti. Sa mga parang ng Andalusia—kung saan mabango ang hangin, tahanan ng mga alaalang Oriental, puno ng romansa at kulay—naalala ko ang iyong pag-ibig. Sa maliliwanag na gabing nagbabangka ako sa Rhin sa ilalim ng inaantok na buwan, nagtatanong ako kung totoo bang nakita kita sa mga puno sa tabing-ilog, sa bato ng Lorelei, o sa gitna ng mga alon, umaawit sa katihimikan ng gabi, tulad ng dalagang diwatang nagpapagaan sa pag-iisa at kalungkutan niyong mga kastilyong walang laman.”

Sumagot ang dalaga, nakangiti dahil pinaniwalaan niya ang lahat ng ikinuwento sa kaniya: “Hindi ako bumiyahe tulad mo, wala akong alam kundi ang iyong bayan, ang Maynila, at ang Antipolo. Pero mula nang magpaalam ako sa iyo at pumasok sa kumbento, lagi kitang naaalala at di kita nalilimot, kahit ito ang utos ng paring kinukumpisalan ko at binibigyan ako ng napakaraming penitensya.

“Naalala ko kung paano tayo naglalaro at nag-aaway noong mga bata pa tayo. Namumulot ka ng pinakamagagandang kabibe para makapaglaro tayo ng siklot[4]. Naghahanap ka naman sa ilog ng pinakamakikinis na batong iba-iba ang kulay para sa sintak[5]. Lampa ka, lagi kang natatalo, at bilang parusa patatamaan kita ng bantil[6] sa palad, pero hindi ko nilalakasan dahil naaawa ako sa iyo. Napakadaya mo naman sa sungka, mas madaya kaysa sa akin, at natatapos ang laro sa pag-aaway. Naalala mo noong galit na galit ka sa akin? Nagdusa ako noon, ngunit nang maalala ko ito sa kumbento, nangiti ako at hinanap kita para makaaway muli—at muling makabati.

“Noong bata pa tayo, sumama tayo sa iyong ina na maligo sa ilog sa lilim ng makakapal na kawayan. May mga bulaklak at halaman sa pampang at sinabi mo sa akin ang mga pangalan nila sa Latin at Español, sapagkat nag-aaral ka na noon pa man sa Ateneo. Hindi ako nakikinig. Sa halip hinahabol ko ang mga paru-paro at tutubing nagkukumpulan sila sa mga bulaklak. Paminsan-minsa’y sinusubok ko silang hulihin, gayon din ang mailiit na isdang lumalangoy sa gitna ng lumot at mga bato sa mababaw na tubig.

“Minsan nawala kang bigla at pagbalik mo’y may dala ka nang korona ng dahon at bulaklak ng dalanghita—inilagay mo ito sa ulo ko at tinawag akong Cloé. May korona ka ring gawa sa baging. Pero inagaw ng nanay mo ang korona ko, dinikdik ito at isinama sa gugo na gagamitin niya sa ating buhok. Naluha ka at sinabi mong wala siyang alam sa mitolohiya. ‘Baliw na bata,’ sabi ng nanay mo, ‘makikita mo kung gaano kabango ng buhok ninyo mamaya.’ Tumawa ako, pero nainsulto ka, hindi mo ako kinakausap, at napakasungit mo buong araw kaya halos naiyak ako. Pabalik sa bayan, sa init ng araw, namitas ako ng dahon ng sambong na tumutubo sa gilid ng daan at ibinigay ko sa iyo para ilagay mo sa iyong sombrero nang di sumakit ang ulo mo. Ngumiti ka, kaya kinuha mo ang kamay ko, at nagbati na tayo.”

Nangiti si Ibarra, binuksan ang kaniyang portfolio, at kinuha rito ang isang pirasong papel kung saan nakabalot ang ilang dahong tuyo at nangitim na ngunit mabango pa. “Ang iyong mga dahon ng sambong,” sagot niya sa nagtatanong na tingin ng dalaga. “Ito na ang lahat ng ibinigay mo sa akin.”

Kinuha naman ng dalaga sa kaniyang dibdib ang isang pitakang seda. “Sst!” Sinampal ng dalaga ang kamay ng binata. “Bawal hawakan: isa itong liham ng pamamaalam.”

“Ang sulat ko sa iyo bago ako umalis?”

“May iba pa ba kayong sulat sa akin, Señor ko?”

“At ano ang sinabi ko sa iyo noon?”

“Puro kasinungalingan, mga palusot ng ayaw magbayad ng utang,” sagot niyang nakangiti, kaya nalaman ng binata kung gaano katamis ng mga kasinungalingan iyon para sa dalaga. “Tahimik! Babasahin ko ito sa iyo ngunit lalaktawan ko na ang mga panliligaw nang di kita gawing martir.”

Itinaas ng dalaga ang papel sa kaniyang mata upang di makita ng binata ang kaniyang mukha at nagsimula: “Aking... hindi ko babasahin ang kasunod dahil isang kasinungalingan.” At dinaanan niya ng mata ang ilang linya. “Nais akong umalis ng aking ama sa gitna ng lahat ng aking pagmamakaawa. ‘Matanda ka na,’ sabi niya sa akin, ‘at kailangang isipin mo ang iyong hinaharap at ang iyong mga tungkulin. Dapat mong matutuhan ang siyensya ng buhay na hindi kayang ituro ng iyong bansa upang balang araw ay maging kapaki-pakinabang ka rito. Kung manatili ka rito sa aking anino, na puro negosyo ang nakikita, hindi ka matututong tumingin sa malayong hinaharap. Sa araw na mawalay ka sa akin, makikita mo ang sariling tulad ng halamang sinasabi ng makata nating si Baltazar: ...lumaki sa tubig/daho’y nalalanta munting di madilig/ikinaluluoy ang sandaling init... Kita mo? Binata ka na halos at umiiyak pa rin!’

“Nasaktan ako sa pangaral na ito at inamin kong mahal kita. Huminto ang ama ko, nag-isip, ipinatong ang kamay niya sa balikat ko at sinabi sa aking nanginginig ang boses:

“‘Sa tingin mo ba ikaw lang ang marunong magmahal, na hindi ka mahal ng iyong ama, at na hindi ko dadamdamin ang mawalay sa iyo. Sandali pa lamang mula nang mawala ang iyong ina, at maglalakbay akong mag-isa tungo sa katandaan, tungo sa yugto ng buhay ko kung kailan hahanapin ko ang tulong at consuelo ng iyong kabataan, ngunit tanggap ko ang aking pag-iisa, at na hindi ko alam kung magkikita pa tayong muli. Pero dapat kong isipin ang mas malalaking bagay...Bumubukas ang kinabukasan para sa iyo, nagsara na sa akin; pagising pa lang ang pag-ibig mo; namamatay na ang sa akin. Gayumpaman, umiiyak ka at hindi maisakripisyo ang kasalukuyan para sa hinaharap at ang lahat ng maaari nitong maging pakinabang sa iyo at sa iyong bansa.’

“Napuno ng luha ang mata ni ama at napaluhod ako sa kaniyang paanan, niyakap siya, humingi ng tawad, at tiniyak sa kaniyang handa na akong umalis...”

Nahinto ang pagbabasa ng dalaga nang mapansing di-mapakali si Ibarra at naglalakad parito’t paroon.

“Ano ang dinaramdam mo?” tanong ng dalaga.

“Napalimot mo sa akin ang aking mga tungkulin. Kailangan kong umalis ngayon din tungo sa bayan! Bukas ang pista ng mga patay.”

Tumahimik si Maria Clara, tinitigan ang binata ng malalaking matang tila nananaginip, kumuha ng bulaklak, at madamdaming sinabi:

“Lakad na! Hindi na kita patatagalin pa rito. Pagkatapos ng ilang araw ay magkikita tayong muli. Ilagay mo ang mga bulaklak na ito sa puntod ng iyong mga magulang!”

Ilang minuto pagkatapos, bumaba ang binata sa hagdan nang kasama si Cpn. Tiago at Tia Isabel, samantalang nagkulong naman sa oratoryo si Maria Clara.

“Pakisabi ninyo kay Andeng na ihanda ang bahay at paparating sina Maria at Isabel. Buen viaje!” sabi ni Cpn. Tiago habang sumasakay si Ibarra sa karuwahe na agad umalis tungo sa plaza ng San Gabriel.

At pagkatapos, para patahanin si Maria Clarang umiiyak sa harap ng imahen ng Birhen:

“Magsindi ka ng dalawang kandilang may halagang 2 real ang bawat isa, isa kay San Roque at isa kay San Rafael, ang patron ng mga biyahero. Sindihan mo rin ang lampara ng Nuestra Señora de la Paz y Buen Viaje; napakaraming tulisan. Mas mabuti nang gumastos ng 2 na real para sa kandila at 6 para sa langis kaysa magbayad ng malaking tubos[7].”



[1] Sa bersyong sulat-kamay, ginamit ni Rizal ang mga titik-Hebreo para sa pamagat ng kabanatang ito mula sa Bibliya. Kinuha ang mga titik sa http://www.mechon-mamre.org/p/pt/pt3001.htm

[2] Balag=trellis
[3] Mula sa kuwento ng isla ng mga kumakain ng loto (lotus eaters) sa epikong Odysseia ni Homer. Dahil sa sarap ng lotong pinakain sa kanila ng mga taga-isla, ayaw nang bumalik sa pinanggalingan ng mga mandaragat ni Odysseus. http://en.wikipedia.org/wiki/Lotus-eaters

[4] siklot—laro kung saan inihahagis paitaas ang maliliit na bato at sinasalo sa likod ng kamay at ang nahuhulog sa lapag ay isa-isang pinipitik upang tumama sa kapwa bato hanggang sa matapos ang lahat (LWP 1989).
[5] sintak—laro kung saan inihahagis ang ilang bato paitaas at dinadampot ang naiiwan nang halos kasabay ng pagsalo sa inihagis (LWP 1989). Parang kamukha ito ng larong nakilala ko na bilang jackstone na nilalaro ng mga ate ko. --PVBP
[6] bantil—tirador (batay sa depinisyon sa LWP 1989).
[7] ransom sa Ingles

No comments:

Post a Comment