4
EREHE
at FILIBUSTERO
Naglakad
si Ibarra nang walang patutunguhan. Malamig na ang simoy ng gabi
kapag ganoong buwan sa Maynila at binura nito ang ulap na nagpadilim
sa kaniyang noo. Nagtanggal siya ng sombrero at huminga nang
malalim.
Dinaanan
siya ng mga karuwaheng parang kidlat, ng mababagal na kalesang
pampasahero, at mga naglalakad na Iba-iba ang nasyonalidad.
Tumungo
sa plaza ng Binondo1
si Ibarra,
patingin-tingin sa paligid na parang may inaalala. Iyon mismo ang mga
kalye; ang mismong mga bahay na asul at puti; ang mga pader na
pininturahan para magmukhang bato; ang tore ng simbahang
ipinagyayabang pa rin ang kaniyang relong malabo ang mukha; ang
mismong mga tindahan ng Tsinong may maruruming kurtina at bakal na
parilya2--noong
bata pa siya’y binali niya ang isa sa mga ito at wala pa ring
nagtutuwid hanggang ngayon.
“Mabagal
ang lahat,” bulong niya pagkaliko sa Kalye Sacristía. May mga
tindero pa ring sumisigaw ng “Sorbetes!”3
Maliliit na sulo pa
rin ang ilaw sa puwesto ng mga Tsino at babaeng nagbebenta ng pagkain
at prutas.
“Grabe!”
bulalas niya. “Siya ang mismong Tsinong nariyan pitong taon na ang
nakararaan. At ang matandang babae...siya rin! Puwedeng sabihing
napanaginipan ko lang ang pitong taon sa Europa. At, Diyos ko, wala
pa ring nag-aayos ng batong ginulo ko!” At totoo ngang nakahiwalay
pa rin ang bato sa bangketa, sa kanto ng mga kalyeng San Jacinto4
at Sacristia5.
Nagmumuni
pa siya tungkol sa katatagan ng lungsod sa bansang puro alanganin
nang may kamay na
dumapo sa kaniyang balikat. Nakita niya ang matandang Tenienteng
halos nakangiti. Wala ngayon ang karaniwan nitong mabagsik na
hitsura.
“Hijo,
mag-iingat ka! Matuto ka sa iyong ama!” sabi niya.
“Patawarin
po ninyo ako. Pakiramdam ko po’y malaki ang paggalang ninyo sa
aking ama. Puwede n’yo po bang sabihin sa akin kung ano ang naging
kapalaran niya?” tanong ni Ibarrang nakatitig.
“Hindi
ninyo alam?” tanong ng militar.
“Nagtanong
na ako kay Don Santiago ngunit bukas pa raw niya ipaliliwanag. Alam
po kaya ninyo?”
Napaurong
ang binata at tinitigan ang Teniente.
“Sa
karsel? Sino’ng namatay sa karsel?” tanong niya.
“Naku!
Ang inyong amang naging preso,” sagot ng Tenienteng medyo nagulat.
“Ang
aking ama...sa karsel...preso sa karsel. Ano po’ng sabi ninyo?
Kilala ba ninyo ang ama ko? Kayo ba’y...” tanong ng binatang
humawak sa braso ng militar.
“Sa
tingin ko’y hindi ako namamali. Si Don Rafael Ibarra ang ama mo.”
“Opo,
si Don Rafael Ibarra,” mahinang ulit ng binata.
“Ay,
akala ko’y alam ninyo,” bulong ng militar sa tonong puno ng
pagmamalasakit, tila binabasa ang nangyayari sa kaluluwa ni Ibarra.
“Ipinagpalagay kong kayo’y...ngunit tapangan ninyo ang sarili!
Dito’y
hindi puwedeng maging marangal ang hindi pa nakukulong!”
“Kailangan
kong maniwalang hindi kayo nagbibiro,” sagot ni Ibarra sa mahinang
tinig. “Puwede
n’yo po bang sabihin sa akin kung bakit siya nakulong?”
Napaisip
ang matanda.
“Katakataka
sa aking hindi mo nalaman ang nangyari sa iyong pamilya.”
“Sabi
sa huli niyang liham isang taon na ang nakararaan na huwag akong
mag-alala kung hindi siya magsulat dahil marami siyang ginagawa.
Pinayuhan niya akong ipagpatuloy ang pag-aaral...binasbasan ako!”
“Kung
gayo’y sinulatan ka niya bago siya mamatay. Mag-iisang
taon na mula nang ilibing namin siya sa iyong bayan.”
“Bakit
nakulong ang aking ama?”
“Para
sa napakadakilang rason. Ngunit samahan mo ako’t kailangan kong
pumunta sa kuwartel7.
Sasabihin ko sa inyo habang naglalakad. Kumapit kayo sa aking braso.”
Sandali
silang naglakad nang tahimik. Mukhang malalim ang iniisip ng matanda,
naghahanap ng inspirasyon sa paghimas sa kaniyang balbas.
Nagsimula
siya: “Tulad ng alam mo, ang iyong ama ang pinakamayaman sa
probinsiya. Mahal at iginagalang siya ng karamihan, ngunit mayroon
ding namumuhi at naiinggit sa kaniya. Sa kasamaang-palad, kaming mga
Espanyol sa Filipinas ay hindi kumikilos ayon sa dapat. Ang
pagbabagu-bago, ang imoralidad ng nakatataas, ang pagkakaroon ng
paborito, ang kamurahan at kaiklian ng biyahe ang may-kasalanan. Ang
mga latak ng Peninsula ang pumupunta rito. At kung may dumating na
mabuting tao’y agad pinasasama ng bansa. Kaya naman napakaraming
kaaway ng inyong ama sa mga prayle at sa iba pang Espanyol.”
Dito’y
sandali siyang huminto.
“Nagsimula
ang problema kay Padre Damaso ilang buwan pagkatapos mong umalis,
pero di ko alam kung bakit. Hindi raw siya nangungumpisal sabi ni
Padre Damaso. E dati pa namang ganoon, ngunit matalik pa rin silang
magkaibigan tulad ng naaalala n’yo. At saka si Don Rafael ay
napakarangal na tao, daig pa ang karamihan ng nangungumpisal at
nagpapakumpisal.
“Mayroon
siyang sariling istriktong moralidad at madalas akong kausapin kapag
nababahala: ‘Senyor Guevara, naniniwala ba kayong patatawarin ng
Diyos ang isang krimen, pagpatay halimbawa, dahil lang inamin ito sa
isang pari, na tao rin kung tutuusin at may obligasyong manahimik? At
paano kung nagpapakabait siya para lang di siya matusta sa impiyerno?
Iba ang tingin ko sa Diyos,’ sabi niya, ‘dahil tingin ko’y
hindi naitatama ang masama ng isa pang kasamaan, at hindi rin
mabubura ang isang krimen ng pagngunguyngoy8
o ng pagbibigay ng limos sa Simbahan. Halimbawa pinatay ko ang isang
padre
de pamilya, at
ginawang balo9
ang kaniyang asawa, at inulila10
ang kaniyang mga anak. Nabayaran ko na ba ang utang ko sa
walang-hanggang Hustisya kung magpabitay ako, o kung sabihin ko ang
sikreto sa isang magtatago nito, o sa pagbili ng indulhensiya11
at pag-iyak nang magdamag? Paano ang balo at mga ulila? Sinasabi ng
konsensiya ko na dapat subukin kong palitan ang pinatay ko. Dapat
ialay ko ang buong buhay ko para sa kapakanan ng pamilyang pinahamak
ko. Pero kahit
gano’n, mapapalitan ba ang pagmamahal ng isang asawa at isang ama?’
“Ganito
magdahilan ang inyong ama, at sa ganitong sukatan niya binabase ang
kaniyang mga kilos. Kaya siguradong wala siyang sinaktang sinuman.
Sinikap pa nga niyang burahin ng mabubuting gawa ang ilang
pagkakamali raw ng inyong ninuno.
“Pero
balikan natin ang problema sa kura na lalo pang lumala. Pinatamaan
siya ni Padre Damaso sa isang sermon at milagrong di binanggit ang
pangalan niya. Nagkakutob akong di magtatagal bago may mangyaring
masama.”
Muling
huminto ang matandang Teniente. “May dumating sa bayan na dating
sundalo, tinanggal sa serbisyo dahil sa kagaspangan at katangahan. Di
siya pinayagang kumuha ng magtrabaho ng mababa dahil makasisira sa
reputasyon naming mga Kastila12.
Nakagawa siya ng paraang maging kolektor ng buwis sa mga sasakyan.
“Nahalata
agad ng mga indio na hindi siya nakapag-aral. Sinusulatan niya ang
anumang espasyo ng mga kahig-manok na bagay namang simbulo para sa
kaniya Pinagtawanan siya at alam niya ito. Sinasadya nilang abutan
siya ng papel na baliktad para makita kung paano niya babasahin.
Mahirap lunukin pero nangongolekta siya. Pero lalo siyang naging
bastos at masama.
“Isang
araw sa isang tindahan, habang binabali-baliktad niya ang isang papel
para madiretso, may isang batang estudyanteng nagsimulang sumenyas sa
mga kaklase niya, tumawa, at itinuro ang kolektor. Nawalan siya ng
pasensya at hinabol ang mga batang tumakbo palayo habang sumisigaw ng
ba, be, bi, bo, bu13.
Nandilim ang paningin niya at dahil hindi siya makahabol ay ibinato
na lang ang kaniyang tungkod. Tinamaan
sa ulo ang isang bata at nahulog ito sa lupa. Tumakbo siya’t
pinagsisipa ang bata. Wala ni isa sa mga tumatawa kanina ang
nagkaroon ng tapang na tumulong.
“Sa
kasamaang-palad, napadaan ang iyong ama. Agad siyang tumakbo sa
kolektor, hinawakan ito sa braso, at pinagsabihan. Wala pa sa sarili
dahil sa galit, nagtaas ng kamay ang sundalo. Ngunit masyadong
mabilis ang inyong ama, at gamit ang lakas na nagpapakitang may dugo
siyang Vasco14...may
nagsasabing sinuntok niya, may iba namang nagsasabing itinulak
lamang. Nawala sa balanse ang lalaki at tumama ang ulo sa bato.
Tahimik na binuhat ni Don Rafael ang nasugatang bata at dinala sa
tribunal15.
Dumaloy ang dugo sa bibig ng Espanyol at hindi na ito nagising.
“Natural,
nakialam ang batas at napreso ang inyong ama. Nagsilabasan lahat ng
kaaway niya, umulan ng paninirang-puri, at inakusahan siyang erehe16
at filibustero17.
Delikadong maging erehe saanmang lugar. Ngunit lalo na sa lugar ng
isang alkaldeng ipinagmamalaki ang kaniyang debosyon—nagpupunta sa
simbahan at nagrorosaryo nang malakas kasama ang kaniyang mga alila.
“Ngunit
ang pagiging pilibustero ay mas malala pa sa pagiging erehe. At mas
malala pa sa pagpatay sa 3 o 4 na tagakolekta ng buwis na marunong
magsulat, magbasa, at mag-isip. Iniwan siya ng lahat ng kaibigan.
Kinumpiska ang kaniyang mga papeles. Inakusahan siyang nagbabasa
ng mga liberal na
diyaryong
galing sa Madrid, na mayroon siyang mga liham at retrato ng isang
paring binitay18,
at ewan kung ano pa. Naging kasalanan ang lahat, pati ang pagsusuot
niya ng barong
kahit may
dugo siyang Espanyol.
“Kung
ibang tao iyon, sigurong napalaya na.
May doktor pang
nagsabing inatake ang
kolektor kaya
namatay.
Ngunit ang kaniyang yaman, ang tiwala niya sa hustisya, at ang
pagkamuhi niya sa anumang iligal o di-makatarungan ang nagpahamak sa
kaniya.
“Kahit
ayaw kong
magmakaawa
kaninuman, personal akong lumapit sa dating
Kapitan-Heneral.
Kinumbinsi
ko siyang
imposibleng maging pilibustero ang isang taong mabuti sa lahat ng
Kastila. Mahirap man o
emigrante ay inaalok niya ng bubong at mesa at
sa mga ugat ay dumadaloy ang galanteng dugo ng mga Espanyol. Imbes
na pakinggan, tinanggal ako sa serbisyo at tinawag
na sira-ulo.”
Huminto
ang matanda para huminga, napansing tahimik at hindi tumitingin si
Ibarra, at nagpatuloy:
“Inilakad
ko ang kaso dahil nakiusap ang ama mo. Una kong pinuntahan ang sikat
na abogado, ang batang si A----, ngunit tinanggihan niya ito.
‘Matatalo ako,’ sabi niya sa
akin, ‘at baka
madagdagan pa kaso niya at madamay pati ako.
Lapitan
ninyo si Senyor M----, na isang maapoy na orador19,
matatas magsalita, taga-Espanya, at maganda ang reputasyon.’
“Ginawa
ko iyon, kinuha ng bantog na abogado ang kaso at ipinagtanggol ito
nang buong kahusayan at kaningningan. Pero
maraming kaaway ang inyong ama, ang ilan sa kanila’y sekreto
at di-kilala. Naglabasan
ang mga saksing sinungaling, at ang mga paninira nila, na sa ibang
sitwasyon ay maglalaho sa isang sarkastikong salita ng depensa, ay
nagkaroon ng hugis at bigat. Kahit
sinisira ng depensa ang kanilang testimonya at inilalagay
sa sitwasyong kinokontra nila ang sarili, agad nabubuhay ang iba pang
akusasyon. Inakusahan siyang nang-agaw ng maraming lupa.
Nakikipagkaibigan daw siya sa mga tulisan para hindi galawin ang
kaniyang mga tanim at hayop.
“Sa
wakas, naging napakakomplikado
ng kaso kaya pagkatapos ng isang taon ay wala nang makaintindi
rito. Kinailangang umalis
ng alkalde20
at pinalitan siya ng isang kilala sa pagiging tapat. Ngunit, sa
kasamaang-palad, ilang buwan lang ito nagtagal at pinalitan ng isang
masyadong mahilig sa mamahaling kabayo.
“Ang
pag-aalala, ang kahirapan ng buhay-preso, o ang makakita ng ganoong
karaming walang-utang-na-loob, ay sumira sa bakal niyang kalusugan at
nagkaroon siya ng sakit na ang lunas lang ay kamatayan. Nang matapos
ang kaso at idedeklara na siyang walang-sala sa Inang Bayan at sa
pagkamatay ng kolektor, namatay siya sa preso nang nag-iisa. Dumating
ako upang masaksihan ang
huli niyang paghinga.”
Tumahimik
ang matandang Teniente, pero wala pa ring imik si Ibarra. Samantala,
narating na rin nila ang pintuan ng kuwartel. Huminto ang sundalo,
iniabot ang kamay kay Ibarra, at nagsabing:
“Hijo,
kay Capitan Tiago mo itanong ang detalye. Sa
ngayon, magandang gabi, at kailangan kong tingnan kung may nangyaring
bago rito.”
Pinisil
ni Ibarra nang tahimik at mahigpit ang mapayat na kamay ng sundalo,
at sinundan niya ito ng tingin hanggang hindi na makita.
Tumalikod
siya nang mabagal at nakakita ng karuwaheng nagdaraan. Sumenyas
siya sa kutsero.
“Galing
siguro ‘to sa preso,” sabi ng kutsero sa sarili, at pinitik ng
latigo ang mga kabayo.
1
sa harap ng Simbahan ng Binondo (Lacson-Locsin 2004)
2
iron grills
3
sherbet, water ice (Williams 1989)
4bahagi
na ngayon ng Ongpin St., mula Rosario St. hanggang sa unang tulay sa
ibabaw ng estero Reino
5bahagi
na ng Pinpin St. mula Ongpin St. hanggang Escolta
6
carcel=kulungan, bilangguan
7
barracks
8
whining
9
widow
10
ulila=orphan
11
indulgence=
pagtanggal sa bahagi o kabuuan ng parusa ng isang makasalanan sa
Purgatoryo (Merriam Webster 2012)
12 Nang panahóng nacapangyayari ang Gobierno n~g España sa Filipinas, hindî ipinahihintulot na ang m~ga castilang lalaki't babae'y gumawâ n~g anó mang may cabígatán, gaya bagá n~g mag-araro, mag-asaról, mag-pahila n~g carretón, magpas-an, ang lalaki, at ang babae namá'y hindi namimilí n~g pagcain sa m~ga pamilihan, hindi naglulutò, hindi naglalácad n~g maláyò; inaacala n~g m~ga castilang isáng casiraan n~g caniláng puri cung mapanood n~g m~ga ilipinong sila'y gumagawa n~g mabigat, at nakikigaya namán sa canilá ang m~ga lahing castilà. Naguíng casabihán tulóy sa catagalugan, dahil sa bagay na itó ang "para ca namáng castila", "para ca namáng señora," sa m~ga lalaki't babaeng tagalog na aayaw magtrabajo n~g mabigát.--P.H.P.
14
lahing nakatira sa Espanya at Pransiya,
kilala para sa kanilang Katolisimo at sa pakikipaglaban sa Espanya
para sa kanilang kasarinlan ("Basque." Encyclopædia
Britannica. Encyclopædia Britannica Online.
Encyclopædia Britannica Inc., 2012. Web. 25 Jan. 2012.
<http://www.britannica.com/EBchecked/topic/55335/Basque>.)
15
town hall (Derbyshire 1912)
16
heretic
17
filibuster
18isa
sa Gomburza (Lacson-Locsin 2004)
19
orator/speaker/mananalumpati
20
ang alkalde ang nagdedesisyon sa mga kaso noong panahong iyon
(Poblete 1909)
21
Fonda de Lala=isang
hotel na
dating nakatayo sa ngayo’y tinatawag na Plaza del Conde. Pag-aari
ni Lala Ari, isang British Indian.
(Lacson-Locsin 2004)
No comments:
Post a Comment