KABANATA 1
ISANG PAGTITIPON
Patapos na ang Oktubre noon. Nagpahapunan si Don Santiago de los Santos
na mas kilala bilang Capitan Tiago. At kahit hapon na ng mismong araw ibinalita,
ito ang naging paksa ng usapan mula Binondo hanggang Intramuros.
Kilala si Capitan Tiago bilang napakagalanteng tao. At alam ng lahat
na ang kaniyang bahay, tulad ng kaniyang bayan[1], ay hindi sarado sa anuman—liban sa kalakalan at mga bagong ideya.
Parang kuryenteng kumalat ang anunsiyo sa mundo ng mga linta, mga
langaw, at mga buntot—na nilikha ng Diyos sa kaniyang walang-hanggang awa at
buong pagmamahal Niyang pinararami sa Maynila.
May ilang naghanap agad ng pampakintab ng sapatos. Ang iba nama’y naghanap ng butones at
kurbata. Ngunit ang pinakainiisip ng
lahat ay kung paano babatiin nang pamilyar ang may-ari ng bahay, para magmukhang
matagal nang magkaibigan o para malusutan kung sakali ang pagdating nang
huli.
Ang hapunang ito ay ginanap sa isang bahay sa Calle Anloague[2].
Katapat nito ang Estero ng Binondo—na tulad ng lahat ng ilog sa Maynila ay
nagsisilbing paliguan, imburnal, labahan, palaisdaan, daan ng transportasyon at
komunikasyon, at pati tubig-inumin kung matipuhan ng Tsinong aguador[3].
Medyo malaki ang gusali, kaestilo ng maraming bahay sa bansa. Mababa
ang bahay at baluktot ang mga linya: kung dahil malabo ang mata ng arkitekto o
kung epekto ng lindol at bagyo ay wala nang nakasisiguro.
Sa harap ng bahay, may mga bulaklak sa mga pasong nakapatong sa mga
porselanang pedestal na samu’t sari ang kulay at dekorasyon. Sa gitna nito, may
malawak na hagdanang may berdeng balustrada[4] at alpombrang[5]
apakan mula sa entradang binaldosahan[6]. tungo sa kabahayan[7].
Dahil walang nagbabantay sa pinto at nanghihingi ng imbitasyon ay
papasok tayo—ikaw na nagbabasa nito, kaibigan man o kaaway—kung naaakit ka ng
himig ng orkestra, ng mga ilaw, o ng clin-clan[8] ng mga
pingga't kubyertos, at kung gusto mong makita kung ano ang hitsura ng ganitong mga pagtitipon sa
Perlas ng Silangan.
Hindi na sana kita aabalahin pa sa mga detalye ng bahay. Maniwala
kang mas matutuwa ako at madadalian kung hindi. Pero napakaimportante nito—dahil
tayong mga mortal ay tulad ng mga pagong: sa bahay natin tinitingnan kung gaano tayo
kahalaga; sa ganito at sa iba pang
paraan ay katulad ng mga pagong ang mga mortal ng
Filipinas.
Pagkaakyat, naroon ang maluwag na sala, na ngayong gabi’y
magsisilbing silid-kainan at lugar para sa orkestra. Sa gitna'y may malaking mesang puno ng
mamahaling dekorasyong parang kumikindat ng matatamis na pangako sa mga usyoso,
at nagbabadya sa mga binibining mahiyain—ang simpleng dalaga—ng dalawang
nakamamatay na oras kasama ng mga di-nila-kilala.
Kabaliktaran ng ganitong kamunduhan ang mga pinturang nakasabit sa
pader. Relihiyoso ang paksa ng mga ito—Ang Purgatoryo, Ang Impiyerno, Ang Huling
Paghuhukom, Ang Pagkamatay ng Makatarungan, Ang Kamatayan ng Makasalanan.
At, sa likuran, sa eleganteng kuwadro na estilong Renacimiento[9]
ni Arevalo[10], naroon ang
isang malapad na larawan ng dalawang matandang babae. Sabi ng inskripsyon:
Ang Nuestra Senora de la Paz y
Buenviaje[11], na
sinasamba sa Antipolo, bumisita bilang pulubi sa banal na si Capitana Inés[12] noong may
sakit ito.[13] Kulang man sa panlasa ang obra, bawi naman ito sa sobrang
realismo: mukha nang bangkay ang maysakit. Ang mga baso't kagamitang
nagpapakitang matagal na siyang maysakit ay napakadetalyado—kita pati ang laman
ng mga ito. Sinadya siguro ito ng
mayhanda para ganahang kumain ang mga bisita niyang alam na niya kung anong
klaseng tao.
Sa kisame, may mga nakasabit na mamahaling lamparang Tsino; mga
hawlang walang ibon; mga bolang kristal na may asogeng[14]
kulay pula, berde, at asul; mga lantang halamang pambitin; mga isdang pinatuyo
at pinalobo na tinatawag nilang mga botete, at iba pa.
Sa panig na nakaharap sa ilog, may arkong kahoy na may disenyong
medyo Tsino at medyo Europeo. Sumisilip ito sa isang azoteang[15]
may mga balag[16]
na naiilawan ng maliliit na parol na gawa sa makulay na
papel.
Naroon sa sala ang mga kakain, sa gitna ng mga higanteng salamin at
mga kumikinang na aranya[17]. Doon
sa isang palutsinang[18]
plataporma ay may kahanga-hangang piano
de cola[19]
na napakamahal, at naging mas mahal pa
ngayong gabi dahil walang tumutugtog.
Doo’y may malaking larawang al
oleo[20]
ng isang lalaking mabuti ang hitsura, naka-frac[21]. Ang tindig
niya'y tuwid na tuwid tulad ng de-borlas niyang baston na hawak ng mga daliri
niyang puro singsing. Para bang sinasabi nito:
Elegante ang mga muebles[23], mukhang
hindi komportable, at mukhang masama sa katawan. Mas iniisip siguro ng may-ari
ang sariling luho kaysa kalusugan ng kaniyang mga bisita. Sasabihin niya siguro:
“Teribleng bagay ang disenterya[24], pero
nakaupo kayo sa mga silyong[25] galing pa sa
Europa. Aba, minsan lang iyon!”
Halos puno ng tao ang sala: hiwalay ang mga lalaki sa mga babae tulad
ng sa mga simbahang katoliko at mga sinagoga.
Binubuo ang kababaihan ng ilang dalagang Filipina at Espanyola:
nagbubukas ng bibig upang pigilan ang paghikab ngunit agad itong tinatakpan ng
mga abaniko[26]; nagbubulungan
ng ilang salita; anumang kumbersasyong mapaglakas-looban ay agad namamatay sa
gitna ng putol-putol na sabi, tulad ng mga ingay na naririnig kapag gabi sa
isang bahay, mga ingay na gawa ng mga daga at butiki. Hindi kaya ang mga imahen ng iba-ibang
Nuestra Senyorang nakasabit sa pader ang umoobliga sa kanilang panatilihin ang
katahimikan at ang hitsurang relihiyosa?
O iba lang ba talaga ang mga babae sa bansang ito?
Ang sumasalubong sa mga senyora ay isang matandang babae—pinsan ni
Capitan Tiago, mukhang mabait, at hindi ganoon kagaling magsalita ng
Espanyol. Inaalok niya ng tabako at
buyo[27]
ang mga Espanyola. Nagpapahalik naman siya ng kamay sa mga Filipina, katulad na
katulad ng mga fraile[28].
Nabagot ang kawawang ale at sinamantala ang tunog ng nabasag na plato
upang magmadaling palayo habang bumubulong ng: “Hesus! Humanda kayo, mga
walang-kuwenta!” Hindi na siya muling lumitaw.
Mas maingay ang mga kalalakihan.
Sa isang sulok, may mga kadeteng masiglang nag-uusap. Itinuturo nila ang
mga tao sa sala at nagtatawanan nang patago.
Iba sa kanila ang dalawang dayuhang nakaputi—palakad-lakad nang
malalaki ang hakbang mula sa isang panig ng sala tungo sa kabila. Nasa likod ang
kanilang mga kamay at hindi nagsasalita, parang mga aburidong pasahero sa
kubiyerta[29]
ng isang sasakyang-dagat.
Pinakainteresante at pinakamasigla ang isang grupong binubuo ng dalawang pari, dalawang sibilyan, at isang
militar[30]—nakaupong
paikot sa maliit na mesang may mga mga bote ng alak at mga biscochong Ingles[31].
Ang militar ay isang matandang tenyente[32],
matangkad, mukhang istrikto; parang isang Duque de Alba[33]
na napag-iwanan sa listahan ng mga Guwardiya Sibil[34]; matigas at
maikli kung magsalita.
Naroon din ang isang batang paring Dominiko—guwapo, malinis, at
kumikinang tulad ng ginto niyang salamin sa mata. Siya ang cura ng Binondo at
dating propesor sa kolehiyo ng San Juan de Letran. Kilala siya bilang eksperto sa lohika at
hindi kayang hulihin o lituhin kahit ng mahusay makipagtalong si B. de Luna[35]. Sa harap ni Padre Sibyla, para silang mga
mangingisdang nanghuhuli ng igat[36]
nang lubid ang gamit. Matipid magsalita
ang Dominiko na para bang tinitimbang ang kaniyang mga
salita.
Kabaliktaran naman ang isa pang pari—isang Pransiskanong madaldal at
malikot. Nagsisimula nang pumuti ang
buhok ngunit mukhang malakas pa rin ang katawan. Ang maayos niyang mukha, ang
titig niyang medyo katiwa-tiwala, ang malapad niyang panga, at ang mala-Hercules
niyang tindig ay nagbibigay sa kaniya ng dating ng isang Patricio Romano[37]
na nagkukunwaring karaniwang tao. Brusko ang boses ni Padre DĂ¡maso tulad ng isang taong di
kailanman pinigilan ang dila at na masyadong bilib sa sariling sinasabi. Ngunit
sapat na ang tawa niya upang burahin ang anumang masamang pananaw. Puwede pa
ngang pagbigyan kahit ang pagpapakita niya sa sala ng mga paang walang medyas at
binting puwede sa perya ng Quiapo sa sobrang balbon.
Isa sa mga sibilyan ay maliit
na mamang itim ang balbas at may ilong na parang masyadong malaki para sa
kaniya.
Ang isa pang sibilyan ay isang binatang dilaw ang buhok, na mukhang
kararating lang sa bansa: sa kaniya masiglang nakikipag-usap ang
Pransiskano.
“Makikita mo,” sabi ng pari, “kapag ilang buwan ka na rito.
Ibang bagay ang mamuno sa Madrid at iba ang tumira sa
Filipinas.”
“Pero..”
“Ako, halimbawa,” patuloy ni Padre Damaso na nilakasan ang boses para di
makapagsalita ang kausap. “Ako na naka-23 taon na ng saging at kanin, ako ang
makapagsasabi nang may awtoridad tungkol dito.
Huwag ninyo akong bigyan ng mga teorya o ng mabubulaklak na salita,
kilala ko ang indio[38]. Tandaan ninyong pagkarating ko sa bansa, nadestino ako sa maliit na
baryo ng mga magsasaka. Hindi pa ako masyadong narunong mag-Tagalog noon pero
nakinig na agad ako ng kumpisal ng mga babae, at nagkaintindihan kami. Nagustuhan nila ako nang husto kaya
pagkatapos ng 3 taon, nang ililipat na ako sa mas malaking baryo dahil namatay
ang kurang indio, nag-iyakan silang lahat, nagsawa ako sa regalo, inihatid pa
nila ako nang may musika...”
“Pero ipinakikita lamang niyan...”
“Teka, teka! Hindi pa ako
tapos! Sandali lang doon ang kapalit ko.
Pero noong siya ang umalis, mas maraming tao, mas maraming luha, at mas maraming
musika, kahit mas nambubugbog siya at dinoble pa ang derechos[39] ng parokya.”
“Pero payagan po ninyo akong...”
“Dagdag pa, tumira ako sa bayan ng San Diego nang 20 taon at ilang buwan
pa lang mula nang ito’y aking...iwan (dito nagmukha siyang bagabag). Walang dudang sapat na ang 20 taon para
makilala ang isang bayan. May 6000
kaluluwa ang San Diego at kilala ko ang bawat isa na para bang ako ang
nagpanganak at nagpasuso sa kaniya. Alam
ko kung aling paa ang pilay sa isa, kung saan masikip ang sapatos ng isa, kung
sino ang umiibig sa aling dalaga, ang mga kawalang-ingat na nagawa nitong isa at kung kanino, kung sino
ang tunay na ama ng bata, atbp. dahil ako ang nakikinig sa kumpisal ng lahat at
nag-ingat silang hindi pumalya sa tungkulin.
Si Santiago, ang mayhanda, ang magsasabi kung totoo ang sinasabi
ko. Marami siyang lupa roon at doon kami
unang nagkakilala. Bueno, makikita ninyo
kung ano ang indio—pagkaalis ko ang sumama lang sa akin ay ilang matandang babae
at ilang hermano tercero[40]—pagkatapos
kong tumira roon nang 20 taon!”
“Pero hindi ko nakikita ang kuneksyon niyan sa pag-aalis sa monopolyo ng tabako[41],” sagot ng
binatang dilaw ang buhok na sinamantala ang sandaling pagtigil ng Pransiskano
upang uminom ng Jerez[42].
Halos mabitawan ni P. Damaso ang baso sa sobrang gulat. Sandali niyang
tinitigan ang binata at...
“Ano? Paano?” bulalas niya. “Posible bang hindi ninyo nakikita ang isang
bagay na napakaliwanag? Hindi po ba ninyo nakikita, anak ng Diyos, pinatutunayan
nitong sablay ang mga repormang ginagawa ng mga
ministro?"
Ang binata naman ang nagmukhang naguguluhan; lalong kumunot ang noo ng
tenyente; iginalaw naman ng maliit na mama ang kaniyang ulo na para bang
kumakampi kay Padre Damaso, at para ring kumokontra. Nakuntento ang Dominiko na halos talikuran ang
lahat.
“Naniniwala kayong...?” sabi sa wakas ng
binata.
“Naniniwala ba ako? Tulad ng
paniniwala ko sa Ebanghelyo! Napakatamad
ng indio!”
“Ah, pasensya na po,” sabi ng binatang hininaan ang boses at inilapit
nang kaunti ang silya, “ngunit may sinabi kayong nakaiintriga sa akin. Likas ba ang katamarang
ito sa mga taga-Filipinas? O totoo rin ba ang sinasabi ng isang dayuhang
manlalakbay—na palusot natin ito para sa ating katamaran, ating
pagiging makaluma, at ating sistemang kolonyal? May sinabi pa siya
tungkol sa ibang kolonyang mula sa parehong
lahi...”
“Naku, hinding-hindi! Inggit lang iyon!
Itanong n’yo na lang kay Senyor Laruja—kilala rin niya ang bansang ito.
Itanong ninyo kung ang may kapantay ang indio sa katangahan at
katamaran!”
“Wala,” sagot ng tinukoy na mamang maliit. “Saanman sa mundo, walang
sintamad ng indio. Saanman sa mundo!”
“Ni mas laki-sa-layaw, ni mas
walang-utang-na-loob!”
“Ni mas walang-pinag-aralan!”
Kinakabahang tumingin-tingin sa paligid ang binatang dilaw ang
buhok.
“Senyores,” bulong niya. “Hindi ba’t nasa bahay tayo ng isang
indio? Ang mga dalagang
iyan...”
“Bah! Huwag kayong masyadong nerbiyoso. Si Santiago’y hindi itinuturing na indio ang
sarili. Isa pa’y wala naman siya rito at...kahit narito pa siya! Iyan ang
kabulastugan ng mga bagong-dating. Hayaan ninyong lumipas ang ilang buwan;
magbabago kayo ng opinyon kapag nakarami na kayo ng piesta at bailuhan[43], kapag nakatulog na kayo sa mga katre[44] at nagsawa na sa tinola.
“Ito po bang tinatawag ninyong tinola ay ang prutas ng isang uri ng
loto[45] na nagdudulot sa mga tao ng...kuwan...parang
pagkamalilimutin?”
“Hindi loto ni loteria[46]!” sagot ni P. Damasong tumatawa. “Ang tinola ay gulay na gawa sa inahing manok at upo. Gaano katagal na ba kayo
rito?”
“Apat na araw,” sagot ng binatang medyo
naaasar.
“Pumunta ba kayo rito bilang empleyado?”
“Hindi, senyor. Pumunta ako rito sa sariling gastos upang kilalanin ang
bansa.”
“Hombre! Pambihirang ibon!”
bulalas ni P. Damaso na nagtatakang pinagmamasdan ang kausap. “Pumunta rito sa sariling gastos at para lang
sa kalokohan! Kakaiba! Napakarami namang libro...dalawang daliri lamang ang
lapad ng noo...ay nakapagsulat na ng ganyan kadakilang libro. Dalawang daliri
lamang ang lapad ng noo...”
“Sinabi ninyo, Kagalang-galang na Padre Damaso,” pasok ng Dominiko sa
tonong parang walang pakialam, “na naka-20 taon kayo sa San Diego...hindi po ba
kayo natuwa sa bayang iyon?”
Huminto sa pagtawa si Padre Damaso. “Hindi!” sinabi niya nang parang galit na aso. At ibinagsak ang buong
bigat sa sandalan ng upuan.
Nagpatuloy ang Dominiko sa tonong walang pakialam: “Masakit sigurong
umalis sa isang bayang kilala mo na tulad ng sarili mong abito[47]. Dinamdam ko rin ang sariling pag-alis sa
Camiling[48], kahit ilang
buwan pa lang ako roon...pero ginawa iyon ng aking mga superyor para sa
ikabubuti ng komunidad...at sa aking ikabubuti.”
Unang beses noong gabing iyon na mukhang nag-isip nang malalim si
Padre Damaso. Bigla niyang pinagsusuntok
ang patungan ng kamay ng upuan at sumigaw: “O! May relihiyon ba o wala?
Malaya ba ang mga cura o hindi? Nawawala ang bansang ito! Nawala na!” At muling
sumuntuk-suntok.
Lahat ng nasa sala’y nagulat at napatingin sa grupo. Itinaas ng Dominiko ang ulo upang tingnan si Padre Damaso mula sa ilalim
ng kaniyang salamin sa mata. Sandaling
huminto ang dalawang dayuhan, nagpakita ng kaunting pangil, at nagpatuloy sa
paglalakad.
“Sumama ang loob dahil hindi ninyo itinuring na Reverencia,” bulong ng
binatang dilaw ang buhok kay Senyor Laruja.
“Ano ba ang ibig sabihin ng Inyong Reverencia? Ano ang nangyayari sa inyo?” tanong ng
Dominiko at ng Tenyente sa magkaibang tono ng boses.
“Iyan ang dahilan kung bakit maraming sakunang dumarating! Sinusuportahan ng gobyerno ang mga erehe[49]
laban sa mga ministro ng Diyos!” patuloy ng Pransiskano nang itinataas ang
matitigas na kamao.
“Ano ang ibig n'yong sabihin?” tanong ng Tenyenteng nakakunot ang noo
at medyo napatayo.
“Ano ang ibig kong sabihin?” ulit ni Padre Damaso na nilakasan ang
boses at humarap sa Tenyente. “Sinasabi ko ang ibig kong sabihin! Ako, ang ibig
kong sabihin ay kapag pinatanggal ng cura sa kaniyang sementeryo ang bangkay ng
isang erehe, walang sinumang may karapatang makialam. At lalong walang may
karapatang magparusa. Ang heneralitong
iyon...isang generalito Calamidad[50]...
“Padre, ang Kaniyang Kataas-taasan ang Vice Real Patrono[51]!” sigaw ng
Tenienteng tumayo.
“Anong Kataas-taasan o Vice Real Patrono!” sagot ng Pransiskanong
tumayo rin. “Sa ibang panahon, kinaladkad sana siya pababa ng hagdan tulad ng ginawa
ng mga relihiyosong orden[52] sa bastos na Gobernador Bustamante.
Iyon ang tunay na panahon ng relihiyon!”
“Binabalaan ko kayo! Hindi ko hahayaang...Ang Kaniyang Kataas-taasan ay
kinatawan ng Kaniyang Kamahalan, ang Hari!”
“Tigil!” sigaw ng Teniente, na para bang nag-uutos sa kaniyang mga
sundalo. “Bawiin n'yo ang sinabi n'yo o bukas na bukas din ay ipaaalam
ko ito sa Kaniyang Kataas-taasan!”
“Lakad! Lumakad kayo ngayon din!” sarkastikong sagot ni Padre Damasong
lumapit sa Teniente nang kuyom ang kamao.
“Ang tingin ba ninyo’y porque[54]
nakaabito ako ay kulang ako...? Lumakad
kayo! Pahihiramin ko pa kayo ng
karuwahe!”
Nagiging katawa-tawa na ang usapin. Mabuti’t nakialam ang
Dominikano.
“Senyores[55]!” sabi niya sa
tonong may awtoridad at sa mailong[56]
na boses na napakabagay sa mga prayle. “Huwag ninyong gawing kalitu-lito ang mga
bagay. At huwag maghanap ng insulto sa hindi naman insulto. Sa mga sinabi ni Padre Damaso, kailangan
nating malaman kung alin ang mula sa tao at alin ang mula sa pari. Ang mga mula sa pari per se[57] ay hindi
maaaring makasakit sapagkat nagmula sa absolutong katotohanan. Ang mga mula sa tao nama’y kailangan pang
malaman kung alin ang sinabi ab irato[58] at kung
alin ang sinabi ab ore[59] ngunit
hindi in corde[60]; at
iyong mga sinabi in corde. Itong mga huli lamang ang maaaring makasakit
sang-ayon sa sumusunod: kung dati nang in
mente[61], naroon
bilang motibo, o dumarating per
accidens[62], sa init
ng debate, kung mayroong...”
“Kung anuman, ako por accidens
at por mi[63] ay
nakaaalam sa mga motibo, Padre Sybila!” putol ng sundalo na nakitang naiipit
siya sa napakaraming klasipikasyon ng sinabi. Nangamba siyang baka siya pa ang
lumabas na may kasalanan. “Alam ko ang
mga motibo at ang Inyong Reberensiya ang gumawa ng mga klasipikasyon.
Samantalang wala si Padre Damaso sa San Diego ay inilibing ng coadjutor[64] ang
isang napakarangal na tao—opo, Ginoo, napakarangal. Nakasama ko siya sa iba’t
ibang panahon at magiliw niya akong tinanggap sa kaniyang tahanan. Hindi siya
nangungumpisal—ano ngayon? Hindi rin ako
nangungumpisal! Pero ang sabihing nagpakamatay siya ay isang kasinungalingan,
isang paninirang-puri! Ang taong tulad
niya—na may anak na lalaking pinagbubuhusan niya ng lahat ng kaniyang pagmamahal
at pag-asa; isang taong may pananalig sa Diyos; na kumikilala sa kaniyang mga
tungkulin sa lipunan; ang isang taong tapat at makatarungan—ay hindi
nagpapakamatay. Iyan ang sasabihin ko.
Tatahimik na ako tungkol sa iba pa, na kilalanin sanang utang na loob ng Inyong
Reberensiya.”
Tumalikod siya sa Pransiskano at nagpatuloy: “Ngayon, pagkabalik ng paring ito sa bayan, pagkatapos maltratuhin ang
kawawang coadjutor, ay pinahukay muli
ang katawan upang ilibing sa kung saan.
Naduwag ang Bayan ng San Diego at di tumutol. Nasa Europa ang kaisa-isang
anak ng yumao at wala itong ibang kamag-anak. Ngunit nabalitaan ng Kaniyang
Kataas-taasan ang nangyari. Dahil mabuti ang kaniyang puso, humingi siya ng
pagpaparusa...at inilipat si Padre Damaso sa mas mabuting bayan. Iyon ang buong kuwento. Ngayon, gawin ng Inyong Reberensiya ang mga
klasipikasyon.”
At pagkasabi nito’y iniwan ang grupo.
“Nagsisisi akong nakisali pa sa usaping napakaselan,” sabi ni Padre
Sybila. “Ngunit sa huli’y kayo naman ang
nakinabang sa pagpapalit ng bayan...”
“Anong pakinabang? Paano ang mga nawala sa paglilipat...at ang mga
papeles...at ang mga...at ang lahat ng nawala sa ayos...” putol ni Padre
Damasong hindi mapigil ang galit.
Unti-unting bumalik sa kapayapaan ang
pagtitipun-tipon.
Dumating ang ilang bisita, kabilang dito ang isang matandang
Espanyol—pilay, may mukhang maamo, nakasandal sa braso ng isang matandang
Filipina—kulot na kulot, makapal ang kolorete[65], at
nakadamit-Europeo.
Magiliw ang pagbati sa kanila ng grupo.
Sina Doctor de Espadaña at ang kaniyang asawang si doctora[66] Doña Victorina ay nakisali sa grupong nakilala na natin. May ilang periodista[67], mga may-ari ng
tindahan, nagbabatian, nakikipag-usap sa isang panig o sa kabila, hindi alam ang
gagawin.
“Ngunit puwede ba ninyong sabihin, Senyor Laruja, kumusta naman ang
may-ari ng bahay?” tanong ng binatang
dilaw ang buhok. “Hindi pa ako
naipapakilala sa kaniya.”
“Sabi nila'y lumabas. Ako ma’y hindi ko pa
siya nakikita.”
“Hindi na kailangan dito ang mga pagpapakilala,” singit ni Padre
Damaso. “Si Santiago’y gawa sa magandang
klaseng masa[68].”
“Isang taong hindi nag-imbento ng pulbura,” dagdag ni
Laruja.
“Kayo naman, Senyor de Laruja!” sabi ni Doña Victorina nang may malambing
na paninisi. “Paano naman iimbentuhin ng
pobre ang pulbura kung ayon sa sabi ay inimbento ito ng mga Tsino ilang dantaon
na ang nakararaan?”
“Mga Tsino? Naloloka ba kayo?”
sabi ni Padre Damaso. “Burahin n'yo iyan
sa isip n'yo! Inimbento iyan ng isang
Pransiskano, isa sa mga kaorden ko, si Padre... di ko alam...parang Savalls
yata, noong siglo...siyete!”
“Isang Pransiskano! Kung gayon
marahil ay naging misyonero siya sa China, itong si Padre Savalls,” sagot ng
señora na hindi basta-basta binibitiwan ang kaniyang mga
ideya.
“Schwartz siguro ang ibig ninyong sabihin, Señora,” sagot ni Padre Sybila
nang hindi man lamang siya tiningnan.
“Hindi ko alam. Savalls ang sabi
ni Padre Damaso. Inulit ko
lamang.”
“Mabuti! Savalls o Chevas—ano’ng
pakialam ko? Sa isang letrang kaibahan ay hindi siya magiging isang Tsino,” sagot
ng Pransiskanong masama ang timpla.
“At noong ika-14 na siglo, hindi noong ika-7,” dagdag ng Dominiko sa
tonong nangmamaliit at para bang pinapahiya ang iba.
“Ganoon nga! Sa isang siglong
dagdag o isang siglong bawas ay hindi siya magiging isang
Dominiko!”
“Hombre, huwag magagalit ang Inyong Reberensiya!” sabi ni Padre Sybilang
nakangiti. “Mabuti ngang naimbento na
niya. Nailigtas niya tuloy ang kaniyang
mga kapatid sa ganoon katinding pagsisikap.”
“At Padre Sybila, sinabi ninyong ginawa ito noong ika-14 na siglo?”
tanong ni Doña Victorinang tunay na nagtataka.
“Bago o pagkatapos ni Kristo?”
Suwerte ng tinanong at pumasok ang dalawang tao sa
sala.
[1] Sa pangungusap na ito, ipinahahalata ni
Rizal ang paghahambing niya sa Filipinas at sa bahay ni Capitan Tiago. Pansinin mo kung
paano inilalarawan ang bahay at kung anong paralelismo ang makikita sa kalagayan
nito at ng bansa. Salungguhitan ang mga
detalye kung maaari.
[3] water
carrier; nagdadala/nagbebenta ng
tubig
[4] hawakan ng hagdan at mga poste nito
[5] carpet
[6] tiled
[7] main
floor
[8] Ito ang mismong salitang ginamit ni Rizal.
[9] Renaissance
[10] Filipinong eskultor na sikat noong panahon ni Rizal (Lacson-Locsin
2004)
[11] Our Lady of Peace and Good
Voyage
[12] Pilipina na malaalamat ang debosyon at donasyon sa simbahan at mga
relihiyosong piyesta; maraming milagrong iniuugnay sa kaniya. (Lacson-Locsin
2004)
[13] “May katulad nitong kuwadro na matatagpuan sa Kumbento ng Antipolo.”
–talababa sa orihinal na Noli
[14] mercury (Williams 1989)
[15] hardin sa bubungan (Derbyshire 1912)
[16] trellis; madalas ay gawa sa pinag-ekis-ekis na kawayang pinagkakapitan ng
mga gumagapang na halaman tulad ng upo o ampalaya; kamukha ito ng pinagsasabitan
ng premyo kapag may pabitin para sa mga bata (Diksyunaryo
1989)
[17] chandelier (Williams 1989)
[18] pinewood, magaang at mumurahing kahoy
[19] grand piano
(Williams 1989)
[20] oil painting
(Poblete 1909)
[21] frock, full dress
coat (Williams 1989)
[22] ‘seryoso’ sa karaniwang pagsasalita.
[23] kasangkapan sa bahay; furniture
[24] pamamaga at pagdurugo ng bituka
[25] armchair
[26] pamaypay na de-tiklop
[27] pinagsamang dahon at butong nginunguya at nagpapapula sa bibig; betelnut chew
[28] friar; miyembro ng isang ordeng namamalimos (English
1977)
[29] deck of a
ship
[30] Gagamitin ni Rizal ang mga katangian ng bawat tauhan sa pagtukoy sa
mga ito. Kaya mabuting itala kung aling
mga pang-uri ang tumutukoy kanino.
Halimbawa, si ‘Padre Sibyla’ ay tinatawag ding ‘Dominikano’ at
‘katedratiko’.
[31] English
biscuits
[32] lieutenant—opisyal na mataas ng 1-2 ranggo sa kadete at mas mababa ng 7-8 sa
heneral. http://en.wikipedia.org/wiki/Lieutenant
[33] Si Fernando Alvarez de Toledo, Kastilang heneral na sumikat para sa
kaniyang paglupig sa Protestantismo. Sa
sobra niyang bangis ay ginawang panakot sa mga bata ang kaniyang pangalan. (Lacson-Locsin
2004)
[34] Grupong militar na binubuo ng mga sundalong Filipino sa ilalim ng mga
Kastilang opisyal. (Derbyshire 1912). Binuo ito
noong 1869 at nakabuti noong simula ngunit nang-abuso rin kalaunan. (Lacson-Locsin 2004)
[35] si Benedicto de Luna, sikat na Filipinong abogado (Poblete
1909)
[36] eel
[37] kamag-anak ng mga unang senador sa Roma (Poblete
1909)
[38] Indio ang tawag
ng mga Kastila sa mga sakop nilang taga-Filipinas. Kasingkahulugan nito ang tamad, bobo, at
walanghiya (Poblete 1909). Ang tinatawag
na “Filipino” noon ay mga anak ng Kastilang ipinanganak sa Filipinas.
(Derbyshire 1912).
[39] Ang ibinabayad sa simbahan para sa binyag, kasal, libing, atbp. (Poblete
1909)
[40] Tertiary Sisters—3 ang orden sa ilalim ng mga Pransiskano: ang una para sa mga batang
pari, ang pangalawa para sa mga madre, at ang pangatlo para sa mga
laygo/karaniwang tao. (Lacson-Locsin 2004).
[41] Ang gobyerno lamang ang maaaring bumili, gumawa, at magbenta ng tabako
mula 1782 hanggang 1881 (Lacson-Locsin 2004) kung kailan binuwag ito bilang
dakilang hakbang tungo sa reporma ng makalumang sistemang kolonyal (Derbyshire
1912).
[42] alak mula sa Jerez, Espanya; sherry
[43] ‘Baile’ ang tawag ng mga Kastila sa sayawang ginaganap sa bahay ng kapwa
Kastila. ‘Bailujan’ naman ang tawag nila
sa mga nagaganap sa bahay ng indio. Ang
bailuhan ay sayaw na kainsu-insulto, katawa-tawa, at hindi magaling.
(Poblete 1909)
[44] higaang kahoy
[45] lotus
[46] lottery
[47] habit, damit ng
monghe
[48] lugar sa Pangasinan at ngayo’y nasa Tarlac; bayan ni Leonor Rivera, ang
pakakasalan sana ni Rizal
[49] erehe=Katolikong kumokontra sa turo ng Simbahang Katoliko (Poblete
1909)
[50] generalito Calamidad=maliit o walang-kuwentang general na Sakuna;
alusyon kay General Emilio Terrero y Perinat na kapitan heneral ng Filipinas
mula 1885-1887 (Lacson-Locsin 2004)
[51] Vice Real Patrono=pangalawa sa Hari ng Espanya na tinatawag na Real
Patrono ng Simbahang Katoliko. (Poblete
1909)
[52] religious orders
[53] rook; tanda ng
pagbabale-wala (Poblete 1909)
[54]
porque=dahil
[55] Senyores=Mga
Ginoo!
[56] nasal sa
Ingles
[57] per se=Latin: “sa
kaniyang sarili” (Poblete 1909)
[58] ab irato=nabigla
dahil sa galit (Poblete 1909)
[59] ab ore=sa bibig
lamang (Poblete 1909)
[60] in corde=mula sa
puso (Poblete 1909)
[61] in mente=nasa
isip (Poblete 1909)
[62] per accidens=hindi sinasadya (Poblete 1909)
[63] por mi=sa ganang
akin (Poblete 1909)
[64] coadjutor, katulong ng cura na madalas ay paring indio (Poblete
1909)
[65] kolorete=make-up
[66] Noong panahong iyon, tinatawag ding doctora ang asawa ng isang doctor.
[67] journalist
[68] masa=dough
No comments:
Post a Comment